Isang magnitude 4.5 na lindol ang muling nagpayanig sa probinsya ng Surigao del Sur nitong Huwebes ng hapon, Disyembre 14, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 1:26 ng hapon.

Namataan ang epicenter nito 130 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may lalim na 30 kilometro.

Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.

5,000 aftershocks, naitala mula sa 7.4-magnitude na lindol sa Surigao

Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.

Ayon sa Phivolcs, ang naturang pagyanig ay isang aftershock ng magnitude 7.4 na lindol sa baybayin ng Surigao del Sur noong Disyembre 2, 2023.

Matatandaang inihayag ng ahensya kamakailan na mula nitong Miyerkules ng tanghali, Disyembre 13, mahigit 5,000 aftershocks ang naitala mula sa naturang magnitude 7.4 na lindol.