Mula mismo sa nanay ni Kapamilya superstar Kathryn Bernardo na si Min Bernardo ang kumpirmasyon tungkol sa mga umiikot na tsikang lulundag na sa ibang TV network ang anak.

Sumulpot ang tsikang ito matapos ang naging hiwalayan nina Kathryn at ex-reel at real partner na si Daniel Padilla, o mas sikat sa collective term na "KathNiel."

Kesyo lilipat na raw si Kath at hindi na pipirma sa Star Magic, ang talent arm management ng ABS-CBN.

Napag-usapan din ito nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez sa isa sa mga episode ng kanilang entertainment news vlog na "Showbiz Now Na."

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Nadinig daw nila na tila hindi na raw irerenew ng ABS-CBN ang kontrata ng mag-ex, at si Kathryn daw ay nakikipag-usap na sa Crown Artists Management.

MAKI-BALITA: Star Magic, ABS-CBN ‘di na ire-renew ang KathNiel?

Ang Crown Artists Management ay talent agency na itinatag ng mag-asawang Maja Salvador at Rambo Nunez. Kabilang sa kanilang talent ang kaibigan ni Kathryn na si Miles Ocampo, na hiwalay na rin sa aktor na si Elijah Canlas, kung saan dawit din ang kontrobersiyal na Kapamilya star na si Andrea Brillantes.

MAKI-BALITA: Andrea sinisisi, kinaladkad sa hiwalayang Elijah-Miles

Sa ipinadalang mensahe at ulat na rin ng ABS-CBN News sa nanay ni Kathryn, isang "Noooooo" raw ang sagot sa kanila nito nang tanungin tungkol sa network transfer rumor.

"Hindi siya aalis ng Kapamilya network!" paglilinaw pa nito.

Tila nakahinga naman nang maluwag ang fans at supporters ni Kathryn at ng network na nagbigay sa kaniya ng matinding break.

Ang latest nga ay "A Very Good Girl" nila ni Golden Globe Award nominee Dolly De Leon, na soon ay mapapanood na rin sa Netflix.

May upcoming movie pa si Kath na "Elena 1944" kung saan gaganap siya bilang isang comfort woman sa panahon ng Hapon.

Pero pagdating sa teleserye, wala pang balita tungkol dito. Ang huling serye niya ay "2 Good 2 Be True" na huling proyekto nila together ni Daniel.

Binalikan pa nga ng mga netizen ang tungkol sa sagot nila sa "loyalty" sa ginanap na finale media conference nito; at dito unang nagkaroon ng hint na tila may something sa dalawa, batay sa mga sagot at body language ng KathNiel.