Iginiit ni SMNI legal counsel Mark Tolentino nitong Lunes, Disyembre 11, na totoo ang “hunger strike” ng kaniyang mga kliyenteng sina SMNI hosts Jeffrey "Ka Eric" Celiz at Lorraine Badoy, at hindi umano ito "intermittent fasting.”

Sa isang panayam sa labas ng detention building nina Celiz at Badoy sa Kamara sa Batasan, Quezon City, sinagot ni Tolentino ang mga sinasabi ng netizens na tumatagal lamang daw ang “hunger strike” ng SMNI hosts mula 6:00 ng gabi hanggang sa hatinggabi araw-araw, o tinawag nilang "intermittent fasting.”

"No, it's not intermittent fasting. Six days, 24/7, walang kain, tubig lang," giit ni Tolentino.

"Nakita ko talaga na parang lumiit ang tiyan, namumutla kasi imagine, six days na walang kain, tubig lang,” saad pa niya habang tinutukoy si Celiz.

Badoy, Celiz nag-hunger strike kontra 'pagpasok' ng CPP-NPA-NDF sa Kongreso

Ayon pa sa SMNI legal counsel, kinukumbinsi raw niya sina Celiz at Badoy na kumain, ngunit ayaw pa rin umano ng mga ito.

"Kahit ipinapaamoy namin ‘yung mga manok, hindi talaga kakain. Magdadala kami ng lechon, inaamoy lang nila but hindi nila kinakain,” kuwento ni Tolentino.

Nakasailalim sina Celiz at Badoy sa kustodiya ng Kamara hanggang sa maaprubahan umano sa plenaryo ang committee report sa imbestigasyon ng panel hinggil sa umano’y fake news peddling at red-tagging laban sa dalawang hosts ng SMNI.

Matatandaang nauna nang iginiit ni Celiz sa telebisyon na gumastos umano si Romualdez ng ₱1.8 bilyon sa kainyang mga paglalakbay para sa 2023. Hindi naman umano nito malinaw na binabanggit ang kaniyang source sa naturang alegasyon.

Kaugnay nito, idineklara nina Badoy at Celiz noong Disyembre 6 ang pagsasagawa nila ng hunger strike bilang pagprotesta rin umano sa “infiltration ng CPP-NPA-NDF” sa loob ng Kongreso.

Samantala, sa pahayag ni Celiz noong Disyembre 7, tinawag niya si House Speaker Martin Romualdez na isang “illegal president” na ginagamit umano ang Kamara para labanan ang mga kaaway nito sa pulitika.

https://balita.net.ph/2023/12/07/celiz-tinawag-na-illegal-president-si-romualdez/