Mahirap ang law school, tiyak iyan, subalit paano kung sa pakikipaglaban para makamit ito, may iba ka pang labang binubuno---na may kinalaman sa iyong kalusugan?

Naghatid ng inspirasyon at humaplos sa puso ng mga netizen ang makabagbag-damdaming Facebook post ni Atty. Jann Aninag matapos niyang ibahagi ang kaniyang mga pinagdaanan bago makamit ang pagtatagumpay na maipasa ang 2023 Bar examinations at maging isang ganap na abogado.

"After 2 major surgeries, 8 sessions of chemotherapy, and countless heartbreaks, I finally made it," aniya.

Sa unang Bar na dapat niyang kukunin ay nadiagnose na may colon cancer si Jann.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Sa awa ng Diyos, napagtagumpayan niyang mawala ito kaya masasabi niyang isa siyang cancer survivor.

Pero hindi lamang ito ang unang health concern na unang kinaharap at napaglabanan ni Atty. Jan; habang siya ay nasa law school, siya ay nagkaroon ng problema sa puso kaya kinailangan niyang sumailalim sa heart surgery.

"When I was about to take my first bar, the Lord said, not yet. While everyone was slaying that 2020-21 bar, I was slaying the cancer dragon. Yes, cancer. I was diagnosed with colon cancer months before review proper. As if the first heart surgery I went through during law school was not enough. I cried; I was broken but I fought. I fought hard. Luckily (oh, the irony), I won that fight. Live, said the Lord. I still have a lot in store for you my child, He said," aniya.

Inamin niyang sinimulan niyang kuwestyunin ang Poong Maykapal sa mga nangyayari sa kaniya.

Ngunit sabi nga, ang dilim ay mapapalitan din ng liwanag.

2023, dumating ang mga biyaya sa kaniya. Bukod sa naging matagumpay ang kanilang pinasok na negosyo, nag-propose pa sa kaniya ang fiance.

Tila nagkaroon daw ng kaliwanagan sa buhay ni Atty. Jann na may taong aalalay, magmamahal, at mag-aalaga sa kaniya.

Nadagdagan pa ito sa magandang balita na naipasa niya ang Bar exams.

Siya raw ang kauna-unahang abogado sa kanilang pamilya.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Atty. Jann, labis-labis ang pasasalamat niya sa mga magulang dahil sa sakripisyo nila para alalayan siya sa pangarap niyang maging abogado, at hindi siya sinukuan sa pakikipaglaban sa mga sakit, kahit siya na mismo ang nakakaisip na sumuko na rito.

Labis-labis din ang pasasalamat niya sa kaniyang fiance na si Dr. Ariane Ceria Palado na matiyagang naghahatid-sundo sa kaniya sa university para matiyak lamang ang kaniyang kaligtasan.

Pagbati, Atty. Jann Aninag!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!