Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte matapos kilalanin ang ahensya bilang “Most Trusted and Top Performing Government Agency” sa isinagawang survey ng OCTA Research para sa ikatlong quarter ng taon.

Base sa 2023 Tugon ng Masa survey ng OCTA na isinagawa mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, 80% ang nasisiyahan sa performance ng DepEd, habang 79% umano ang nagtitiwala rito.

Kaugnay nito, sinabi ni Duterte sa isang video message nitong Biyernes, Disyembre 8, na isa raw karangalan para sa DepEd ang naturang resulta ng survey ng OCTA.

“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa mamamayang Pilipino para sa patuloy na tiwala at suporta na ibinibigay ninyo sa DepEd,” pahayag ni Duterte.

National

OVP, gumastos umano ng ₱16M sa loob ng 11 araw noong 2022

“Dapat po nating tandaan na hindi ito makakamit ng nag-iisang namumuno o ng iilang tao lamang sa Kagawaran. Ito ay bunga ng kapit-bisig na pagtutulungan at pinagsama-samang kakayahan tungo sa iisang mithiin ng mga taong may pagmamahal sa bansa.”

“Ang pagkilala na ito ay ang pagkilala sa dedikasyon at puso sa serbisyo publiko ng ating mga guro, kawani, parents’ support groups, private partners at stakeholders na nagkakaisang tuparin at buuin ang pangarap ng bawat batang Pilipino,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din ng pagbibigay-pugay ang kalihim ng DepEd sa lahat ng mga guro, kawani, at kasamahan umano nila na “palaging bukas-palad na maglilingkod sa bayan.”

“Ang pagkilala na ito ay hindi lamang sa DepEd, ang pagkilala na ito ay para sa inyo at sa MATATAG na kinabukasan ng ating bansa,” ani Duterte.

“Sa gitna ng anumang hamon na hinaharap natin, pati na rin sa mga darating pa, patuloy tayong lalaban para sa edukasyon at seguridad ng bawat isa, ng bawat bata — dahil ito ay ang angkla ng tuloy-tuloy na kaunlaran sa ating pinakamamahal na Pilipinas,” saad pa niya.