Hindi nagpakita si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Quezon City Prosecutors’ Office nitong Lunes, Disyembre 4, para sa unang preliminary investigation sa kasong “grave threats” na inihain laban sa kaniya ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro.

Dalawang abogado naman umano mula sa law office ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea ang nagtungo sa korte upang katawanin si Duterte.

Ayon umano sa kaniyang dalawang nagsilbing counsel, hindi dumating ang dating pangulo para maghain ng counter affidavit dahil hindi umano sila nakatanggap ng subpoena.

“Tinanggap nong dalawang counsel ‘yung complaint affidavit ko saka supplemental complaint affidavit ko today, kasama na rin ‘yung pagsa-submit nila nong entry of appearance,” saad naman ni Castro sa panayam ng mga mamamahayag.

Rep. Castro, kinasuhan si ex-Pres. Duterte

Nakatakda naman umanong isagawa ang susunod na imbestigasyon sa naturang kaso sa darating na Disyembre 15, 2023.

Matatandaang noong Oktubre 24, 2023 nang magsampa si Castro ng kasong kriminal laban kay Duterte dahil sa “death threats” umanong binitawan ng dating pangulo laban sa kaniya.

Ito ay kaugnay ng naging patutsada kamakailan ni Duterte kay Castro sa isang panayam ng SMNI, kung saan sinabi niyang gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) ng tanggapan nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.

“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/10/12/ex-pres-rodrigo-duterte-nagpatutsada-kay-rep-castro/

Ang naturang pahayag ng dating pangulo kamakailan hinggil sa CIFs ay matapos alisin ng Kamara ang 2024 confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ng kaniyang anak.

https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/