Ipinahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nalulungkot siya sa naging pagbitay sa dalawang Pilipino sa China kamakailan dahil sa kasong drug trafficking, ngunit nirerespeto umano niya ang batas sa naturang bansa.

“I am saddened by the death via execution of our two compatriots. The Chinese law that punishes death may be harsh, but it is their law,” pahayag ni Dela Rosa nitong Linggo, Diyembre 3, na inulat ng Manila Bulletin.

Matatandaang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan ang naging pagbitay umano sa dalawang Pilipino sa China noong Nobyembre 24, 2023.

Taong 2013 pa umano nang arestuhin ang dalawang Pinoy sa China, habang 2016 naman daw nang hatulan ang mga ito ng death penalty.

2 Pinoy, binitay sa China dahil sa kasong drug trafficking

Ayon pa sa DFA, nagkaloob ang Philippine Consulate General in Guangzhou at Office of the Undersecretary ng Department of Migrant Workers (DMW) ng kinakailangang tulong para sa mga biktima, kabilang na ang legal counsel.

Umapela rin umano ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga awtoridad sa People’s Republic of China upang gawin na lamang habambuhay na pagkakakulong sa “humanitarian grounds” ang maging sentensya sa dalawang Pinoy.

“In the end, the Chinese government, citing their internal laws, upheld the conviction, and the Philippines must respect China’s criminal laws and legal processes,” saad ng DFA.