Inaasahang magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa ang northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies ngayong Linggo, Disyembre 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan at Isabela dulot ng shear line o ang pagsasalpukan umano ng mainit at malamig na hangin.

Malaki naman ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands bunsod ng amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na ulan.

National

OVP, gumastos umano ng ₱16M sa loob ng 11 araw noong 2022

Ayon pa sa PAGASA, inaasahan ding magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi Cagayan Valley.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.