7 truck ng relief goods, ipinadala sa mga naapektuhan ng shear line sa Quezon
Ipinadala na nitong Sabado ang pitong truck na puno ng relief goods sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha at landslides sa Quezon kamakailan.
Sa Facebook post ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), karga ng pitong truck ang 5,900 family food packs (FFPs) na ipamamahagi sa mga pamilyang tinamaan ng kalamidad sa lalawigan.
Sa kabuuan, 19,600 na ang food packs na ipinadala sa Quezon, ayon sa DSWD.
Kaugnay nito, nangako ang ahensya na ma-ide-deliver nila sa lalawigan ang kabuuang 40,000 FFPs sa susunod na linggo.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kamakailan, mahigit isang milyong katao o katumbas ng 254,160 pamilya sa iba't ibang lugar sa bansa ang naapektuhan ng shear line at low pressure area.