Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ginagawa na umano ng pamahalaan ang lahat upang maiuwi na sa bansa ang 17 mga Pilipinong seafarer na hinostage ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea.

Sa isang video message nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 30, muling ipinaliwanag ni Marcos sa mga Pilipino sa Dubai ang dahilan ng pagkansela niya sa kaniyang nakatakdang lakad sa naturang bansa para sa World Climate Action Summit (COP28).

“Alam naman ninyo may mga bagay na kailangang agad na asikasuhin. Isa na doon ‘yung ating mga kababayan, mga kapwa Pilipino natin na na-hostage, 17 sila na na-hostage at ginagawa natin lahat ng paraan upang sila ay maiuwi na,” ani Marcos.

PBBM, kinansela Dubai trip para sa 17 Pinoy hostage sa Red Sea

Ayon pa sa pangulo, binubuo na ng pamahalaan ang isang delegasyon upang makipag-ugnayan sa mga rebeldeng bumihag sa naturang mga Pinoy at upang maiuwi na ang mga ito sa bansa.

“Binubuo natin ang isang delegasyon para pumunta sa kanila at makipag-usap doon sa mga may hawak sa kanila para makauwi na sila,” saad ni Marcos.

“Kaya’t, siguro naman maunawaan ninyo, na inuna muna natin ‘yan dahil kailangan nating tiyakin syempre ang seguridad ng ating mga kababayan,” mensahe rin niya sa mga Pinoy sa Dubai.

Matatandaang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan na sinalakay ng mga rebeldeng Houthi ang cargo vessel na Galaxy Leader noong Nobyembre 19 at hinostage ang 25 mga tripulante, kabilang na ang naturang 17 Pinoy, bilang ganti umano sa opensiba ng Israel sa Gaza.