Marahil isa ang elepanteng si Vishwa Ma’ali, mas kilala bilang ‘Mali’, sa mga naging masayang bahagi ng pagkabata ng karamihan (kung hindi lahat) ng mga Pilipinong nakasilay sa kaniya sa Manila Zoo.

Kaya naman, marami ang nalungkot nang mapabalitang ang elepanteng nagdulot ng tuwa sa maraming mga bata sa loob ng mahabang panahon, nitong Martes, Nobyembre 28, ay pumanaw na.

Bilang pag-alala sa kaniya, halina’t gunitain ang kuwento ng buhay ni Mali, ang nag-iisang elepante sa Pilipinas.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, 11-months old pa lamang daw ang Asian female elephant na si Mali nang dalhin siya sa pangangalaga ng Lungsod ng Maynila mula sa bansang Sri Lanka noong 1981.

Sanhi ng pagkamatay ni Mali, inihayag ng Manila LGU

Naiulat ding ipinadala si Mali sa Pilipinas bilang regalo ng gobyerno ng Sri Lanka kay dating First Lady Imelda Marcos matapos siyang matagpuang ulila sa kagubatan. Siya umano ang pinakaunang elepanteng nakatapak sa Malacañang.

Mula noon, naging isa na nga si Mali sa mga dinadayo at nagbibigay-saya sa mga turista ng Manila Zoo.

Ngunit sa gitna ng sayang ibinibigay niya lalo na sa mga bata, marami ang naglarawan kay Mali bilang “world’s saddest elephant,” dahil wala raw siyang kalayaan at walang kasamang kauring elepante sa Manila Zoo.

Kaugnay nito, ilang taong hinikayat ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA), maging ng ibang pang mga animal rights group, ang mga dumaang alkalde ng Maynila na ilipat si Mali sa isang wildlife sanctuary sa Thailand upang makasama rin niya doon ang kapwa niya mga elepante. 

“She is definitely unwell. As much as her physical suffering… there is also psychological suffering,” saad ng PETA sa AFP noong 2012.

Gayunpaman, tinanggihan ang mga apela ng PETA at iba pang grupo. 

Paliwanag naman ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa gitna ng kaniyang termino noong 2021, maaaring hindi na rin umano maganda para kay Mali na ibalik siya sa wildlife sanctuary.

"Hindi na rin siya magandang ibalik sa wild because [she] grew up in that environment (Manila Zoo). Baka it's more harmful to [her]... But we will give the best services for the elephant,” ani Moreno.

Noon din namang taong iyon nang mapabalitang binigyan si Mali ng mas malaki at mas maganda umanong enclosure sa ni-renovate na Manila Zoo.

Samantala, nito lamang Nobyembre 28, 2023, pumanaw na nga si Mali sa edad na 43, dahil umano sa congestive heart failure.

Masakit man dahil wala na si Mali, sa lahat ng mga pinagdaanan niya sa loob ng mahigit apat na dekada ay marahil mayroong mga makapagsasabing: “Sa wakas, natapos na rin ang mahabang panahong kalungkutan niya.”

Ngunit kasabay nito, paniguradong masasambit din nila ang mga katagang: “Salamat, Mali, marami kang napasaya.”