Nagpaputok sa QC bar: Mga baril ng sinibak na police official, pinakukumpiska ni Abalos

(Radyo Pilipinas/FB)
Nagpaputok sa QC bar: Mga baril ng sinibak na police official, pinakukumpiska ni Abalos
Iniutos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. na kumpiskahin kaagad ang mga lisensyadong baril ng sinibak na opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagpapaputok ng baril sa isang bar sa lungsod kamakailan.
Partikular na inatasan ni Abalos ang Philippine National Police (PNP) na isagawa ang operasyon laban kay Lt. Col. Mark Julio Abong.
Si Abong ay dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa QC Police District.
Ang hakbang ni Abalos ay kasunod na rin ng pagbawi ng PNP-Firearms and Explosives Office sa lisensya ng tatlong baril ni Abong.
"Hindi dapat bigyan ng pribilehiyo na magmay-ari o magdala ng baril ang sinumang hindi responsable o mapagkakatiwalaan na humawak nito. Kahit pa siya ay isang alagad ng batas," ani Abalos.
Nahaharap si Abong sa kasong illegal discharge of a firearm o paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), paglabag sa Omnibus Election Code, physical injury, slander by deed, at disobedience upon an agent or person in authority sa Quezon City Prosecutor's Office.
Nitong Marso 2023, iniutos na ng Quezon City People's Law Enforcement Board (QC PLEB) na sibakin sa serbisyo si Abong matapos mapatunayang nagkasala sa patung-patong na kaso na nag-ugat sa hit-and-run case sa QC noong Agosto 2022 na ikinasawi ng isang tricycle driver at ikinasugat ng pasahero nito.
Gayunman, naghain ng apela sa DILG si Abong kaugnay ng naunang kaso nito.
PNA