Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na patuloy na aapela ang kaniyang tanggapan sa Department of Justice (DOJ) na huwag makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam nitong Lunes, Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na dapat umanong respetuhin ng lahat ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagsabi kamakailan na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.
Gayunpaman, patuloy umano silang makikipag-ugnayan sa DOJ upang hindi makipagtulungan ang bansa sa naturang imbestigasyon ng ICC.
“We should respect the position of the president being the chief architect of foreign policy. So ‘yun po lahat ang dapat na posisyon nating lahat,” ani Duterte.
“Pero we will continue to reach out to the Department of Justice regarding our position on this matter. And we will lay down the legal basis of our position with the DOJ,” saad pa niya.
Matatandaang 2018 nang umatras si dating Pangulong Duterte sa Rome Statute kasunod ng paunang imbestigasyon ng tribunal sa drug war ng kaniyang administrasyon.
Naging epektibo ang naturang withdrawal noong 2019.
Gayunpaman, nakasaad umano sa Article 127 ng Rome Statute na ang isang partido ng estado ay hindi maaaring mapawalang-bisa sa mga obligasyon nito sa batas bago ang withdrawal date.
“Withdrawing from the Rome Statute does not discharge a state party from obligations it has incurred as a member,” saad din umano ng Korte Suprema ng Pilipinas.
Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.
Si dating Pangulong Duterte ang naging punong ehekutibo ng bansa mula 2016 hanggang 2022.