Nag-react ang showbiz columnist na si Cristy Fermin sa patutsada umano sa kaniya ni Vice Ganda sa episode ng “It’s Showtime” nitong Huwebes, Nobyembre 23.

Sa isang segment kasing “Me Choose, Me Choose” ng nasabing noontime show, may isang contestant na ang pangalan ay “Cristy.”

Vice Ganda may patutsada kay ‘Cristy’

“Kumusta ka, Cristy? Anong pinagkakaabalahan mo, Cristy, bukod sa paggawa ng mga kasinungalingan?” tanong ni Vice.

Maki-Balita: Vice Ganda may patutsada kay ‘Cristy’

Sa panibagong episode ng “Cristy Ferminute” nitong Biyernes, nakarating daw kay Cristy Fermin ang naging patutsada ni Vice Ganda sa kaniya.

Wala mang nabanggit kung sinong Cristy ang tinutukoy ng Kapamilya star, alam daw mismo ni Cristy na siya ang pinatatamaan nito.

“Hindi naman kami ipinanganak kahapon para hindi namin maturol na ako talaga ang pinatatamaan ni Vice Ganda. Ang hindi lang maganda puro patagilid ang kaniyang bira,” saad ng showbiz columnist.

“Eh bakit hindi mo sabihin na, ‘Oy, Cristy Fermin, bukod sa pinagkakaabalahan mo, bukod sa pagsisinungaling ano pa pinagkakaabalahan mo?’ Eh ako diretso ko nasasabi sa kaniya na mayabang siya, ‘di ba? Na wala ka manlang makitang pagpapakumbaba sa kaniya. Diretso kong nasasabi yon, bakit hindi niya rin ako diretsuhin? Eh pu-pwede naman?” dagdag pa niya.

Nauna na ring binanggit ni Cristy na ilang beses na rin daw nilang hindi pinapansin ang bawat pagbibira umano sa kanila ni Vice Ganda.

“Hindi ‘yung magtatago pa siya sa saya ng ibang tao, gagamit pa siya ng ibang tao para makaganti. Benggador eh, benggador. Bakit hindi mo direstuhin? ‘Yun lang naman ang hindi maganda doon.”