Kinondena ni Senador Imee Marcos ang ilang mga mambabatas na nag-uudyok umano sa gobyerno ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) para imbestigahan ang war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam nitong Miyerkules, Nobyembre 22, sinabi ni Marcos na marami umanong problema ang mga Pilipino na dapat mas pagtuunan ng pansin kaysa ang pagpapasa umano ng resolusyon para sa imbestigasyon ng ICC sa bansa.
“Sana maawa naman sila sa Pilipinas. Ang dami-dami na nating problema. Maawa naman kayo sa administrasyon. Maawa kayo sa mga PIlipinong naghihikahos, hindi makabili ng sapat na pagkaing pagkamahal-mahal, papasok pa ‘yung Pasko,” ani Marcos.
“Mahiya naman tayo bilang Pilipino. Ipapasa pa raw ‘yung ICC resolution na pakialaman tayo ng dayuhan samantalang mga korte natin napapatunayan naman na umaandar, malaya at matibay. Bakit papapasukin pa ‘yung iba? Diyan ako nagtataka,” dagdag pa niya.
Ang naturang pahayag ng senador ay bilang reaksyon sa House Resolution Nos. 1393 at 1477, na parehong nag-uudyok sa pamahalaan ng bansa na makipag-ugnayan sa ICC hinggil sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyon ni Duterte.
Matatandaan namang iginiit din kamakailan ni Marcos na isa raw “court of law” ang korte ng Pilipinas, at wala umanong “jurisdiction” ang ICC sa bansa matapos payagan si dating Senador Leila de Lima na magpiyansa sa natitira nitong drug case.