Patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan at shear line sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Nobyembre 23.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Palawan, Quezon at Bicol Region ngayong Huwebes dulot ng shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Batanes, Cagayan, Isabela, at Apayao dahil naman sa amihan.

National

Ex-VP Leni sa pagsalubong niya kay PBBM: ‘Isang pagbibigay-respeto sa posisyon’

Inihayag din ng PAGASA na maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala umano silang binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Ngunit mino-monitor umano ng ahensya ang cloud clusters o kaulapan sa labas ng PAR na posible umanong maging LPA.