Tumangging magbigay ng komento si Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y hindi nila pagpansinan ni House Speaker Martin Romualdez sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Sa isang panayam sa Quezon City nitong Martes, Nobyembre 21, tinanong si Duterte tungkol sa kumakalat na video sa social media na hindi nila pagpansinan ni Romualdez habang hinihintay ang pagdating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa United States nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 20.
“Hindi ko nakita. Hindi ko nakita ‘yung nasa social media. Hindi ako maka-comment. Wala akong nakita,” sagot naman ni Duterte sa mga mamamahayag.
Si Romualdez ang tumayong campaign manager ni Duterte nang tumakbo ito bilang bise presidente noong nakaraang taon.
Samantala, nagkaroon ng “lamat” ang pagsasama ng dalawa dahil sa diumano'y nabigong pagtatangkang kudeta laban kay Romualdez ni dating pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na nawalan ng posisyon sa Kamara.
Tila kinampihan naman umano ni Duterte si Arroyo nang magbitiw siya sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), na pinamumunuan ng Romualdez, matapos mapababa ang dating pangulo sa kaniyang dating puwesto bilang senior deputy speaker.
Bukod dito, kamakailan lamang ay pinatutsadahan din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Romualdez at sinabing inaatake umano nito ang kaniyang anak dahil nagbabalak umano itong tumakbo sa 2028 presidential elections.
“‘Yang si Romualdez, he’s wallowing–Alam mo kasi, ewan ko kung bakit inaano niya si Inday (VP Sara). Si Inday naman is perceived to be a good candidate. But I’m saying now that Inday, as far as I’m concerned, should not run for president,” saad ni dating Pangulong Duterte kamakailan.
Ang naturang pahayag ng dating pangulo ay matapos isama ng Kamara ang 2024 confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa mga ililipat sa mga ahensyang dumidepensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.
https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/