Magpapakalat ng 920 behikulo ang Philippine National Police (PNP) upang magbigay ng libreng sakay sa mga inaasahang ma-stranded dahil sa ikinasang transport strike ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) sa Lunes, Nobyembre 20.

Ito ang tiniyak ni PNP information chief, spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Linggo at sinabing bukod ang mga nasabing sasakyan sa mga ipakakalat ng local government units at iba pang ahensya ng gobyerno.

Aniya, naka-heightened alert din ang kanilang hanay dahil magbabantay din ang 9,000 pulis sa mga transportation terminal, passenger pickup at drop off points, at tutugon din sa posibleng kaguluhan na idudulot ng transport strike.

“Meron po tayong naka-standby dun sa mga strategic areas na alam natin po na dinadagsa po ng mga kababayan natin para anytime po na kailanganin ay nandun po ‘yung ating mga sasakyan at kasama na rin po dyan ‘yung mga idedeploy ng mga sasakyan ng MMDA, LTFRB pati na rin ‘yung mga LGU," dagdag pa ni Fajardo.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

PNA