Pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang pagpupulong hinggil sa pagtugon ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng pagyanig ng magnitude 6.8 na lindol sa Mindanao nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 17.

Matatandaang base sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nangyari ang magnitude 6.8 na lindol, na unang naiulat na magnitude 7.2, dakong 4:14 ng hapon nitong Biyernes.

Namataan ang epicenter nito 34 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Sarangani Island sa Sarangani, Davao Occidental, na may lalim na 72 kilometro.

Mula magnitude 7.2: Lindol sa Davao Occidental, ibinaba sa M6.8

Kaugnay nito, sa isang Facebook post nitong Sabado, Nobyembre 18, ibinahagi ni Duterte ang kaniyang pagdalo sa pagpupulong ng Response Cluster ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of the Civil Defense (OCD) sa Quezon City.

Ipinatawag umano ni NDRRMC Chairperson at Defense Secretary Gilbert Teodoro ang naturang pagpupulong ng Response Cluster, kung saan miyembro ang Department of Education (DepEd) na pinamumunuan din ng bise presidente.

“Pinangunahan natin ang usapin sa pagtugon ng iba't ibang mga ahensya ng gobyerno para sa ating mga kababayan at lokal na pamahalaan na apektado ng nangyaring lindol,” ani Duterte sa nasabing post.

“Bilang mga lingkod-bayan, patuloy nating pagtutuunan ng pansin ang pagpapalawak ng ating kakayahan na magbigay ng agarang tulong at rehabilitasyon sa mga apektadong lugar, ‘di lamang ngayon, kundi sa susunod pa na mga disaster,” dagdag pa niya.

Samantala, inihayag din ng bise presidente na napag-usapan din nila sa pagpupulong ang epekto ng dalawang low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR), at ang nararapat umanong paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa posibleng malalakas na pag-ulan, landslide at pagbaha na dulot ng sama ng panahon.

https://balita.net.ph/2023/11/18/pagasa-may-binabantayang-2-lpa-sa-loob-labas-ng-par-2/

“Nakapag-report din ang MMDA sa inaasahang transport strike na mangyayari sa darating na Lunes kung saan merong inter-agency coordination para tumulong at sumuporta sa mga commuters,” saad pa ni Duterte.

https://balita.net.ph/2023/11/18/deped-hindi-magkakansela-ng-mga-klase-dahil-sa-transpo-strike/

Si Duterte umano ang kasalukuyang tumatayong caretaker ng bansa habang nasa official visit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa United States.