Inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado, Nobyembre 18, na bina-validate nito ang pitong indibidwal na naiulat na nasawi dahil sa yumanig na magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 17.
Sa isang panayam sa radyo ng DZBB, sinabi ni OCD spokesperson Director Edgar Posadas isa sa mga naiulat na nasawi mula sa lindol ay nagmula sa Jose Abad Santos, Davao Occidental; tatlo ang mula sa General Santos City; dalawa ang mula sa Glan, Sarangani, at isa ang mula sa Malapatan, Sarangani.
"Mayroon na tayo kahapon [na naiulat na nasawi] pero ipagpaumanhin n’yo iba-validate pa namin ito – sa Davao Occidental, sa Jose Abad Santos. Lalaki 'yun,” saad din ni Posadas.
“Pero bukod doon, we have reports also from Region 12, from the PNP (Philippine National Police)," dagdag pa niya.
Bukod naman sa mga naitalang nasawi, humigit-kumulang 450 katao rin umano mula sa Rehiyon 11 at 12 ang nakatanggap ng medical care matapos umano silang mag-hyperventilate at mag-panic nang yumanig ang lindol.
Matatandaang base sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nangyari ang magnitude 6.8 na lindol, na unang naiulat na magnitude 7.2, dakong 4:14 ng hapon nitong Biyernes.
Namataan ang epicenter nito 34 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Sarangani Island sa Sarangani, Davao Occidental, na may lalim na 72 kilometro.
Kaugnay nito, ilang mga gusali, kabahayan, at eskuwelahan din ang naapektuhan ng naturang pagyanig, kung saan ilang mga mall ang pansamantalang isinara para inspeksiyunin–kabilang na ang SM City General Santos.
https://balita.net.ph/2023/11/17/dahil-sa-m6-8-na-lindol-mall-sa-gensan-pansamantalang-isasara/
"Standard operating procedure 'yan na kapag may ganito, isasara muna until ma-assess at madeclare ng experts na safe na ulit," paliwanag naman ni Posadas.
Samantala, inihayag din naman ng Phivolcs nitong Biyernes na walang banta ng tsunami sa Pilipinas mula sa naturang pagyanig.
https://balita.net.ph/2023/11/17/phivolcs-walang-tsunami-threat-mula-sa-m7-2-na-lindol-sa-davao-occidental/