Paglabag sa EDSA bus lane policy, itinanggi ni Revilla--MMDA TF ops chief, ipatatawag sa Senado

(Edison Nebrija/FB)
Paglabag sa EDSA bus lane policy, itinanggi ni Revilla--MMDA TF ops chief, ipatatawag sa Senado
Tiniyak ni Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. na ipatatawag nito sa Senado si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations chief Edison "Bong" Nebrija upang magpaliwanag kaugnay ng isinapubliko nitong lumabag ang senador sa EDSA bus lane policy nitong Miyerkules ng umaga.
Ito ay sa kabila ng paghingi na ng paumanhin ni Nebrija na nagsabing ibinatay lamang nito ang kanyang pahayag sa report sa kanila ng isa sa traffic enforcer ng ahensya.
"Kung talagang nagkasala kami, tiketan mo kami. Ipakulong mo kami pero kung sisiraan mo kami, mali na yata 'yan," reaksyon ni Revilla.
"Mag-resign ka na! 'Di pwede ang sorry-sorry. Ipatatawag ko sila sa Senado maybe today or tomorrow. Ipapa-recall ko budget nila," pahayag ng senador laban kay Nebrija.
Nag-ugat ang usapin nang isapubliko ni Nebrija na nasita ng mga MMDA traffic enforcer ang convoy ng senador nang dumaan umano sa EDSA bus lane (northbound) sa tapat ng isang shopping mall sa Mandaluyong City nitong Nobyembre 15.
Nang makumpirma na kasama umano si Revilla sa convoy, kaagad ding pinaalis ang mga ito.
Iginiit naman ni Revilla, nasa Cavite siya ngayong araw at imposibleng dumaan ito sa naturang lugar.