Bus lane violation, itinanggi: Revilla, hinarap si Nebrija sa Senado

(Senator Ramon Revilla, Jr./FB)
Bus lane violation, itinanggi: Revilla, hinarap si Nebrija sa Senado
Nagkaharap sina Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations chief Edison "Bong" Nebrija sa Senado nitong Miyerkules ng hapon kasunod na rin ng inilabas na impormasyon ng huli na sinita ng mga enforcer ang convoy ng senador na dumaan sa EDSA bus lane sa Mandaluyong City.
Sa pulong balitaan sa Senado, dumalo sina Revilla, MMDA chairman Romando Artes at si Nebrija upang linawin ang usapin.
Kinumpronta ni Revilla si Nebrija dahil sa pagbanggit sa kanyang pangalan matapos umanong sitahin ng mga MMDA enforcer ang convoy ng senador sa tapat ng isang shopping mall sa EDSA, Mandaluyong nitong Nobyembre 15 ng umaga.
Nauna nang inihayag ni Nebrija sa isang press conference sa Maynila na binigyan niya ng go-signal ang mga enforcer nito na paalisin na ang convoy ni Revilla sa kabila ng paglabag sa EDSA bus lane policy.
Gayunman, kaagad na itinanggi ni Revilla na dumaan ito sa bus lane at sinabing nasa Cavite ito nang mangyari ang sinasabing insidente.
"It is painful for me to hear reports that I was allegedly apprehended by an MMDA enforcer for unauthorized use of the EDSA bus lane. There is absolutely no truth to the malicious report that I was apprehended using the EDSA carousel busway," pahayag ni Revilla sa mga mamamahayag na naka-base sa Senado.
"My daily commute is from the south to the Senate and there is no possibility I will be on EDSA in Mandaluyong. When attending official functions in the north, I take the skyway from and back to the south," pagdidiin pa ng senador.
Depensa naman ni Nebrija, ibinatay lamang nito ang pahayag sa report sa kanila ng mga enforcer na nakatalaga sa naturang lugar.
Sa nasabing press conference sa Senado, inanunsyo ni Artes na sinuspindi muna nito si Nebrija simula sa Huwebes upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa usapin.
Nang matapos ang pulong balitaan, nakipagkamay si Revilla kina Artes at Nebrija.