Nagbigay ng reaksyon si House Speaker Martin Romualdez nitong Lunes, Nobyembre 13, hinggil sa naging pagsuko ni Vice President Sara Duterte sa hiling na confidential funds ng kaniyang mga tanggapan na Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon.

Matatandaang inihayag ni Duterte noong Huwebes, Nobyembre 9, na hindi na nila iaapela ang ₱650 milyong pinagsamang confidential funds ng OVP at DepEd dahil lilikha lamang umano ito ng pagkakawatak-watak ng sambayanan.

“We will no longer pursue the Confidential Funds. Why? Because this issue is divisive, and as the Vice President, I swore an oath to keep the country peaceful and strong,” pahayag ni Duterte kamakailan.

MAKI-BALITA: VP Sara, ‘di na ipupursige ang confidential funds ng OVP para sa 2024

National

ITCZ, magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa

MAKI-BALITA: VP Sara, isinuko na rin hiling ng DepEd na 2024 confidential funds

Sa isa namang panayam ng House reporters matapos ang flag-raising ceremony sa Batasan Complex nitong Lunes, sinabi ni Romualdez na tama ang naturang desisyon ni Duterte hinggil sa naturang confidential funds.

"I believe that’s the right decision and we hail VP Sara’s decision," saad ni Romualdez.

Matatandaan namang napagdesisyunan ng Kamara, na pinamumunuan ni Romualdez, kamakailan na isama ang nasabing panukalang 2024 confidential funds ng OVP at DepEd sa mga ililipat sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at may kinalaman sa “peace and order” ng bansa.

MAKI-BALITA: ₱650-M confidential funds ng OVP, DepEd ililipat sa security agencies – House leader

Ang naturang desisyon ng Kamara ay matapos naging mainit na usap-usapan ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 na nagastos umano sa loob ng 11 araw.

MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo