Ikinuwento ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa mga kindergarten na mag-aaral ang kaniyang isinulat na librong pinamagatan niyang “Isang Kaibigan.”

Sa isang Facebook post nitong Sabado, Nobyembre 11, inihayag ni Duterte na masaya siyang nakatanggap ng paanyaya mula sa Kapitan Tomas Monteverde Sr. CES para maging “mystery reader” sa kanilang launching ng National Reading Month.

“Noong ako ay tinanong kung anong libro ang aking piliin ay bigla ako nagkaroon ng inspirasyon na isulat ang sariling kong kwento,” kuwento ni Duterte.

“Matagal ko na gusto magsulat ng libro, noon pa na ako ay nag-aaral ng law, ngunit hindi dumating sa akin na meron akong napusuan na isulat. Ngayon lang,” saad pa niya.

National

Balita, isa sa 'most trusted tabloids' sa bansa—survey

Matapos niyang basahin ang kuwento sa mga mag-aaral ay pinirmahan daw ng bise presidente ang kaniyang pinakaunang kopya ng libro at ginawang donasyon sa naturang paaralan upang mas marami pa raw mga mag-aaral ang makapagbasa nito.

“Nawa’y patuloy nating hikayatin ang ating mga kabataan na magbasa ng mga aklat, lumundag sa mga pahina nito, at pasiglahin ang kanilang pagmamahal sa pag-aaral,” ani Duterte.

“Ito na ang aking maagang Christmas gift para sa mga batang Filipino - ang una kong libro na may pamagat na, Isang Kaibigan. Gagawin ko ang iba pang mga kopya para sa donation sa mga library at paaralan,” saad pa niya.