Ibinahagi ng “Ma’am Chief” lead star na si Melai Cantiveros-Francisco ang kaniyang experience sa pagsho-shooting ng pelikula sa South Korea.
Sa kaniyang panayam sa vlog ni Ogie Diaz, natanong sa kaniya kung ano nga ba ang pagkakaiba ng paggawa ng pelikula rito sa Pilipinas at sa South Korea.
“So anong pagkakaiba ng paggawa ng pelikula rito sa paggawa ng pelikula sa paggawa ng mga Koreano ng pelikula?” tanong ni Ogie.
“Sila talaga ay very systematic talaga, organized talaga sila,” sey ni Melai.
“Ang trabaho ko roon 8 hours. 8, 9, or 10 hours mas matagal na ‘yun. Hindi ka na puwedeng lumagpas doon. Ganon sila. Kapag lumagpas ka doon, kailangan mong kausapin lahat [ng staff] kung mayroon ka pang isang sequence na hindi nagagawa. Kausapin silang lahat. Kahit may isang hindi pumayag, utility, hindi puwedeng idiretso ‘yan kasi nirerespeto nila ang karapatan ng bawat isa,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin Melai ang bawat detalye kung ano ang ginagawa ng production crew sa pagkuha ng isang eksena— kabilang na dito ang organized na shotlist.
“Hindi sila nag-uusap na parang kunin mo ‘yung kwan, kunin mo ‘yung ganito wala. Titingnan lang nila.”
Kwento pa ng aktres, hindi raw nakakaawang tingnan ‘yung mga utility doon dahil mas glass sakin pa raw ang mga ito sa kaysa sa kaniya.
“Kasi ‘di ba dito sa atin kung tayong mga artista pack up na tayo tapos makikita natin ‘yung mga utility naka-tsinelas lang tapos antok na antok, naaawa ka. Sa kanila hindi ka maaawa, glass skin pa ang mga pisti. Mas glass skin pa sa’yo… Ang guwapo pa rin nilang tingnan parang silang mga oppa…”
Wala rin daw tent para sa mga artista. Maging ang pagkain nila ay hindi katulad dito sa Pilipinas na minsa’y packed lunch lang kundi sa isang restaurant daw sila kumain.
Binibigyan daw kasi ng importansya ng production ang kain dahil sa loob ng 8 hours na pagtatrabaho sila ay grabe raw ang dedikasyon ng mga Koreano.
Hindi rin maiwasang mainggit ni Melai sa klase ng disiplina at respeto na mayroon ang production crew ng Korea pagdating sa pagtatrabaho.
“Nainggit ako doon sa klase ng disiplina at ‘yung respect nila, at ‘yung hours ng working. Doon pa lang eh, gaganahan ka na mag-work kung ganoon ‘yung hours ng work mo…
“Hindi naman sa ano, kumbaga sinasabi ko lang ‘yung experience ko doon sa pagsho-shoot ko doon sa Korea. Baka mamaya ma-quote quote na naman tayo… Pero reality kasi ‘yon. Wala naman tayong compare compare sinasabi ko lang ‘yung experience ko doon na dinala ko rin dito,” dagdag pa niya.
Naishare nga rin daw niya ang experience niya sa mga kilala niyang producer. Mabilis daw kasi ang trabaho kapag organized at planado.
Mapapanood si Melai sa pelikulang “Ma’am Chief” na kinunan mismo sa South Korea.
Nakatakdang mapanood sa mga sinehan ang naturang pelikula ni Melai sa Nobyembre 15.