Umabot na sa 98 overseas Filipino workers (OFWs) ang ligtas na nakalabas sa Gaza Strip sa gitna ng giyera sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas.
Ito ang inanunsyo ng Philippine Embassy sa Egypt nitong Sabado matapos makatawid sa Rafah border ang 14 pang Pinoy at nakapasok na sa Egyptian territory nitong Nobyembre 10.
Paliwanag naman ni Philippine Ambassador Ezzedin Tago, ang 14 OFWs ay sinamahan ng kanilang pamilyang Palestino at kaagad silang tinanggap ng mga taga-embahada na pinangunahan ni Vice Consul Bojer Capati.
"This third batch of OFs (overseas Filipinos) will travel to Cairo, and another team of the Philippine Embassy in Cairo will assist them to their accommodations and will arrange their flights home," anang opisyal. Nitong Biyernes, nasa 34 Pinoy, ang pinauwi na sa Pilipinas, kasama ang isang Palestinian, matapos silang makatawid ng ligtas sa Gaza Strip.
PNA