Matapos niyang ipahayag na hindi na nila ipupursige ang hiling na 2024 confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), nangako si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na patuloy silang magtatrabaho nang “tapat” at “mahusay” para sa bansa.

Matatandaang dumalo si Duterte sa Senate plenary session para sa proposed ₱5.768-trillion national budget nitong Huwebes, Nobyembre 9, kung saan binasa ni Senador Sonny Angara ang kaniyang pahayag na hindi na nila ipupursige ang panukalang ₱500 milyong confidential funds ng OVP para sa 2024.

Matapos nito, sa deliberasyon ng proposed budget ng DepEd nito ring Huwebes, binasa naman ni Senador Pia Cayetano ang pahayag ni Duterte na hindi na rin nila iaapela ang panukalang ₱150 milyong confidential funds ng ahensya para sa susunod na taon.

VP Sara, ‘di na ipupursige ang confidential funds ng OVP para sa 2024

https://balita.net.ph/2023/11/10/vp-sara-isinuko-na-rin-hiling-ng-deped-na-2024-confidential-funds/

Kaugnay nito, sa pamamagitan ng isang Facebook post ay nagpahayag naman ng pasasalamat si Duterte sa mga sumuporta umano sa kanila sa nangyaring deliberasyon sa dalawang ahensyang kaniyang kasalukuyang pinamumunuan.

“Taos puso tayong nagpapasalamat sa lahat ng bumubuo ng Philippine Senate sa suporta na ibinigay nila sa budget ng Office of the Vice President at ng Department of Education,” ani Duterte.

“Maraming salamat sa ating mga kaibigan sa Senado, lalo na sa ating mga budget sponsors, Sen. Sonny Angara para sa OVP, at Sen Pia Cayetano para sa budget ng DepEd.”

“Makakaasa po kayo na patuloy tayong magtatrabaho [nang] tapat at mahusay para mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan at mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga kabataang Pilipino,” saad pa niya.

Bago ang naturang deliberasyon sa Senado ay matatandaan namang napagdesisyunan ng Kamara kamakailan na isama ang nasabing panukalang 2024 confidential funds ng OVP at DepEd sa mga ililipat sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at may kinalaman sa “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Ang naturang desisyon ng Kamara ay matapos naging mainit na usap-usapan ang kontrobersiyal na ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 na nagastos umano sa loob ng 11 araw.

https://balita.net.ph/2023/09/25/%e2%82%b1125-m-confidential-funds-ng-ovp-ginastos-sa-loob-ng-11-araw-quimbo/