Ngayong Nobyembre 10, 2023 ang ika-100 birth anniversary ni Hachiko, ang sikat na loyal dog mula sa bansang Japan na noong nabubuhay pa’y hindi tumigil maghintay sa isang train station para sa pinakamamahal niyang fur parent.
Ipinanganak umano ang Akita dog na si Hachiko noong Nobyembre 10, 1923 at kinupkop ni Hidesaburo Ueno noong Enero 1924.
Mula noon, araw-araw, mula sa kanilang bahay ay masayang kumakarapas ng takbo si Hachiko papunta sa isa sa mga paborito niyang lugar – ang Shibuya Station sa Tokyo, Japan.
Uupo siya sandali at pagmamasdan ang mga dumadaang mga sari-saring tao sa lugar, hanggang sa bigla siyang tatayo kasabay ng pagkawag ng kaniyang buntot. Ito ay dahil sa wakas ay tumambad na sa kaniyang mga mata si Ueno, na mas mahal pa niya kaysa sa kaniyang buhay.
Isa umanong propesor sa Tokyo Imperial University si Ueno. Nagko-commute siya sa Shibuya Station papunta at pauwi galing sa trabaho, dahilan kaya’t laging nagtutungo doon ang Akita dog para masayang ihatid at sunduin siya.
Hanggang sa isang araw noong Mayo 1925, matapos ihatid ni Hachiko sa naturang istasyon ang kaniyang fur parent, kinahapunan ay biglang hindi na ito bumalik mula sa trabaho.
Namatay si Ueno dahil sa isang nakamamatay na cerebral hemorrhage at hindi na nakauwi para masalubong ni Hachiko sa istasyon.
Mula noon, hindi huminto si Hachiko sa pagpunta sa Shibuya station, para maghintay at umasang makikita niya muli ang kaniyang fur parent.
Nagpatuloy siya sa paghihintay sa naturang istasyon sa mahabang panahon bago siya tuluyang tumawid sa rainbow bridge noong Marso 1935 sa edad na 11.
Dahil sa ipinakitang wagas na pagmamahal at katapatan ni Hachiko, isang estatwa niya ang itinayo mismo sa Shibuya station bilang pag-aalala sa kaniya.
Nasira umano ng digman ang bronze statue ni Hachiko, kaya’t muli siyang ginawan ng estatwa noong Agosto 1948.
Ginawan din ng pelikula ang buhay ni Hachiko – ang Japanese movie na “Hachiko Monogarati” at English movie na “Hachi – A Dog’s Tale.”
Hanggang ngayo’y nananatili pa rin namang nakatayo sa harap ng Shibuya station ang estatwa ni Hachiko para magsilbing sikat na tourist spot sa Japan at magpaalala sa bawat isa ng kahulugan ng wagas na pagmamahal at katapatan.
Kaugnay na Balita: