Patay ang apat na katao nang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang cargo truck sa Antipolo City, sa Rizal nitong Lunes ng madaling araw.

Matinding pinsala sa ulo at katawan ang ikinasawi ng mga biktimang nakilalang sina Juanito Magsino, 22; Kidrock John Magsino, 21; Lawrence Ivan Jose, 21; at Ireneo Balmonte, 22; habang hindi naman nasaktan ang driver ng cargo truck na si Glen Gumban, na nasa kustodiya na ng pulisya.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Batay sa ulat ni Antipolo City Police chief P/LTCOL Ryan Manongdo, nabatid na ang banggaan ay naganap dakong alas-3:00 ng madaling araw sa tapat ng isang gasolinahan sa Marcos Highway, sa Barangay Mayamot, Antipolo City.

Nauna rito, sakay umano ang mga biktima ng isang Honda Civic, na minamaneho ni Juanito, at binabaybay ang Marcos Highway, nang pagsapit sa tapat ng isang gasolinahan bigla na lang itong sumalpok sa likurang bahagi ng isang Isuzu Wingvan truck, na minamaneho ni Gumban.

Ayon kay Manongdo, ang dalawang sasakyan ay kapwa nasa ikalawang linya ng kalsada at patungo sa direksiyon ng Sta. Lucia Grand Mall nang maganap ang aksidente.

Sinasabing mabilis ang takbo ng kotse nang maganap ang aksidente ngunit masusi pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.