Matagumpay na nasagip ng mga awtoridad ang isang ginang at kanyang tatlong menor de edad na anak matapos silang i-hostage ng isang lasing na security guard sa loob ng kanilang tahanan sa Port Area, Manila nitong Huwebes ng umaga.

Pawang ligtas at nasa maayos nang kondisyon ang mga biktima na Jenelyn Abogatal, 31, at kanyang tatlong menor de edad na anak, na nagkaka-edad na 5, 3 at 1-taong gulang.

Eleksyon

'Sinong nilaglag?' PBBM, inendorso 11/12 senatorial bets ng Alyansa

Samantala, arestado naman ang suspek na si Justine Sagun, 33, security guard at residente ng Sitio Tuklas, Brgy. Cupang, Muntinlupa City.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Baseco Police Station 13, na pinamumunuan ni PLTCOL Emmanuel Gomez, dakong alas-10:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa Block 1, Dubai St., Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Lumilitaw na bago ang insidente ay dumayo ang suspek sa naturang lugar at nakipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.

Nang malasing ito ay bigla na lang umanong pumasok sa bahay ng mag-iina at saka hinostage ang mga ito.

Mabilis namang rumesponde ang mga pulis at nakipag-negosasyon sa suspek at pinakiusapan itong sumuko na.

Nang makakuha ng pagkakataon ang mga pulis ay kaagad na nilang dinamba at inaresto ang suspek.

Nabawi mula sa suspek ang isang tactical folded knife na kulay itim na may habang 10 pulgada.

Ayon sa mga pulis, tumagal lamang ng ilang minuto ang naturang hostage taking incident.

Laking pasasalamat din ng mga biktima na walang nasaktan sa kanila dahil sa maagap na pagresponde ng mga pulis.

Sinabi naman ni MPD chief PCOL Arnold Ibay na lumilitaw sa salaysay ng mga kainuman ng suspek, na balisa ito at tila problemado.

Kabilang aniya sa demand ng suspek ay makausap ang kapatid niya.

Ang suspek ay nakapiit na at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Anti-Child Abuse Law, slight illegal detention at illegal possession of deadly weapon sa piskalya.