Pinangalanan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA) na siyang pumalit sa kaniya sa posisyon makalipas ang mahigit isang taon.
Ngunit, sino nga ba si Francisco Tiu Laurel Jr.?
Kilala ang bilyonaryong si Laurel bilang isang fishing tycoon na siyang may-ari umano ng Frabelle Fishing Corporation, isang seafood production company na nagsu-supply ng mga pagkaing-dagat sa mga lokal at internasyunal na merkado.
Nagtapos si Laurel sa kursong Bachelor of Science in Computer Science sa University of Santo Tomas (UST).
Samantala, tumayo umano si Laurel bilang presidente ng kompanyang Frabelle Shipyard Corp.; chairman ng Westpac Meat Processing Corp.; direktor ng Frabelle Properties Corp. at presidente ng Markham Resources Corp. Siya rin umano ang dating chairman ng Diamond Export Corp.; presidente ng Bacoor Seafront Development Corp.; chairman/president ng Bukidnon Hydro Energy Corp.; at ang commander ng Naval Affiliated Reserve Force-National Capital Region.
Siya naman ang chairman ng World Tuna Purse Seine Organization.
Bukod dito, miyembro umano si Laurel ng agriculture sector group ng Private Sector Advisory Council (FSAC) ni Pangulong Marcos.
Napabalita ring isa si Laurel sa mga pinakamalaking campaign donor umano ni Marcos noong 2022 presidential elections.
Nito lamang Biyernes, Nobyembre 3, nang ianunsyo ni Marcos ang kaniyang pagtalaga kay Laurel sa naturang posisyon.
Matatandaan namang si Marcos ang pansamantalang nanungkulan bilang kalihim ng DA mula nang maupo siya bilang pangulo ng bansa noong nakaraang taon.