Ibinahagi ni Kapamilya actress Kaori Oinuma ang karanasan niya bilang caregiver sa Japan nang kapanayamin siya ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila nitong Huwebes, Nobyembre 2.

Naitanong kasi ni Karen kung gaano kahirap para sa ina ni Kaori ang pagsabayin ang pagtatrabaho at pagiging single mom.

“Feeling ko, sobrang hirap para kay Mama ‘yun. To think na mayroon din siyang anak na naiwan sa Pinas. ‘Yung kuya ko saka ‘yung bunso kong kapatid and then ako lang ‘yung kasama niya sa Japan,” kuwento ni Kaori.

Dagdag pa niya: “Siya lahat gumagastos, nag-aasikaso sa amin lahat. Sobrang hirap n’on. Kaya tumulong din ako sa kaniya noon somehow pagka school break namin. So, nagtatrabaho rin ako noon.”

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Ayon pa kay Kaori, bagama’t may anim na rest day sa isang buwan ang kaniyang ina, minsan daw ay hindi niya ito nakikitang magpahinga dahil kailangang magdoble-kayod para makauwi sa Pilipinas. Sa katunayan, naghanap pa umano ang kaniyang ina ng ibang trabaho sa pabrika para may ipandagdag sa kanilang gastusin.

“And was that hard for you?” tanong ni Karen.

“Opo,” sagot ni Kaori, “sobra. Parang ilang taon ba ako noon? Mga 15 yata. Parang nakikita ko na ‘yung nanay ko na naghihirap. Siyempre tumatanda na rin po ‘yung nanay ko, e.”

Dagdag pa niya: “And noong naranasan ko ‘yung trabaho niya, ‘di ganoon kadali ‘yung magbuhat ng mga matatanda. Magpaligo, magpakain, maglinis sa kanila. Sobrang hirap.”

Gusto raw kasi ni Kaori na matulungan din ang ina sa pag-iipon kaya pinasok niya rin umano ang nasabing trabaho. Noon din daw niya na-realize kung gaano kabuti ang mga caregiver dahil nag-aalaga sila ng ibang tao na hindi naman nila kaano-ano. 

Pero sa kasalukuyan, graduate na si Kaori matapos ang sampung taon sa high school. 

MAKI-BALITA: Kaori Oinuma, nakapagtapos ng senior high school matapos ang 10 taon

At tila nagsisimula nang gumanda ang kaniyang showbiz career dahil nakasama siya sa pelikulang “A Very Good Girl” bilang “Rigel” na kumita ng halos ₱100M.

Bukod pa rito, gumaganap din siya ngayon bilang Yanni sa teleseryeng “Fractured” kung saan niya kasama sina Seth Fedelin, Francine Diaz, Jeremiah Lisbo, at iba pa.

Matatandaang nakilala si Kaori bilang “Ang Kawaii Daughter ng Japan” sa reality show na “Pinoy Big Brother Otso”.