Inihayag ng bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Francisco Tiu Laurel Jr. na nais niyang maging moderno ang sektor ng agrikultura upang matiyak umano ang sapat na supply ng pagkain sa bansa.

Sa kaniyang talumpati nang mahirang bilang bagong DA chief nitong Biyernes, Nobyembre 3, sinabi ni Laurel na pangunahing layunin niya na masigurong sagana ang ani para sa bawat Pilipino.

“Pangunahing adhikain ko ang pagtiyak na sagana ang ating ani at siguraduhing ito ay nakakarating sa hapag ng bawat Pilipino. Layunin ko na tiyakin na may sapat at masustansyang pagkain na mabibili ang ating mga kababayan sa tamang halaga,” pahayag ni Laurel.

“Susi rito ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura, kasabay ng [pagpapabuti] sa kapakanan ng mga kapatid nating magsasaka at mangingisda. Ating sisiguraduhin na sila’y makikinabang sa mga bunga ng kanilang pagod at pagsisikap,” dagdag niya.

PBBM, itinalaga si Laurel bilang bagong kalihim ng DA

Ayon pa sa bagong DA chief, patuloy umanong magiging bukas ang kaniyang opisina para sa lahat ng mga magsasaka at mangingisda.

Nanawagan din siya ng kooperasyon mula sa publiko.

“Handa akong makinig at makatrabaho kayo. Higit sa lahat, ako’y handa na magtrabaho para sa inyo. Lubos po akong naniniwala na kaya nating mapalago ang produksyon ng ating agrikultura sa tulong ng ating Presidente, ngunit hindi ko ito kakayanin mag-isa,” ani Laurel.

“Kailangan ko ang tulong at pakikiisa ninyo at ng buong Sambayanang Pilipino,” saad pa niya.

Nito lamang Biyernes nang ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang pagtalaga kay Laurel sa naturang posisyon.

Matatandaan namang si Marcos ang pansamantalang nanungkulan bilang kalihim ng DA mula nang maupo siya bilang pangulo ng bansa noong nakaraang taon.

https://balita.net.ph/2023/11/03/kilalanin-francisco-tiu-laurel-jr-ang-bagong-agriculture-chief/