Naglabas ng 15-minute video si Abegail Rait, na lumantad bilang ex-lover umano ni “Master Rapper” Francis Magalona o kilala rin bilang “Kiko”, sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Nobyembre 3.

Isa sa mga binanggit ni Abegail sa nasabing video ay ang tungkol umano sa mga batikos na ibinabato sa kaniya ng mga tao matapos niyang lumantad sa publiko bilang dating karelasyon umano ni Kiko.

MAKI-BALITA: Ex-lover daw, lumantad! Francis M, may anak sa labas?

“Okay lang po sa akin na ako na ang pinakamasamang tao sa paningin n’yo: homewrecker, kabit, mistress. Lahat na ng adjectives na nagamit n’yo, tanggap ko po,” aniya.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pero ang hindi umano matanggap ni Abegail sa kabila ng mga masasakit na salitang natatanggap niya ay ang madamay pati ang kaniyang anak kay Kiko na si Francesca Gaile.

“Ang pinakikiusap ko lang po sana, ‘wag naman ‘yung anak ko. Comments, articles na iba-iba ang anggulo. Kung saan-saan na kami nakarating mag-ina,” sabi pa niya.

Tao lang naman daw kasi siya. Nagkakamali at nasasaktan. Pero mas pinipili na lang umano niyang ipakita kay Francesca na matatag siya; na kaya niya itong ipagtanggol. 

Kaya sinabi niya na maunawaan umano siya ng mga tao bilang isang ina na nagsasalita para sa anak.

Samantala, hanggang ngayon, wala pa ring opisyal na tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamilya Magalona hinggil sa isyung ito.