Inaasahang patuloy na makaaapekto ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon ngayong Huwebes, Nobyembre 2, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Batanes, Ilocos Norte, Apayao, Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon dahil sa shear line.
Malaki naman ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa mga natitirang bahagi ng Ilocos Region, gayundin sa mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley dahil sa amihan.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng localized thunderstorms.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.