Binati ni Vice President Sara Duterte ang mga nahalal sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Lunes, Oktubre 30, 2023, habang hinikayat din niya ang mga hindi pinalad sa eleksyon na magpatuloy sa pagsisilbi sa kanilang komunidad.

Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na hindi lamang umano sa makikita sa pagkakaroon ng posisyon ang pagseserbisyo.

“Sa mga kababayan nating nanalo, isang mainit na pagbati! At sa mga hindi pinalad, nawa'y hindi kayo mawalan ng sigla na tumulong sa bayan,” pahayag ni Duterte.

“Huwag sana nating kalimutan na hindi lamang sa posisyon makikita ang tunay na serbisyo. Sa bawat puso natin ay mayroong diwa ng bayanihan,” dagdag pa niya.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

Samantala, nagpasalamat din si Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd), sa mga guro na naging abala at naglingkod sa araw ng BSKE.

“Inyong ipinakita ang tunay na diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa upang masiguro ang isang honest, orderly, at peaceful na eleksyon,” ani Duterte.

“Pinapaalala ko sa ating mga guro na kapag kayo ay naaksidente, sa panahon man ng election o hindi, ay maaari kayong mag claim ng Personal Accident Insurance sa GSIS na ating kinuha para sa lahat ng teaching at non-teaching personnel ng DepEd,” saad pa niya.