Hinikayat ng isang obispo ng Simbahang Katolika ang mga botante na maging mapagmatyag at bantayan ang mga bagong halal na opisyal ng barangay.
Ang pahayag ay ginawa ni Novaliches Bishop Roberto Gaa, isang araw matapos ang matagumpay na pagdaraos ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa bansa nitong Lunes, Oktubre 30.
Ayon kay Gaa, ang tungkulin ng mga botante ay hindi natatapos sa pakikibahagi lamang sa eleksyon.
Giit niya, ang bawat isa ay dapat na patuloy na maging mapagmatyag at bantayan ang bagong halal na opisyal sa kanilang mga gawain at ang ipinangakong tungkulin sa nasasakupan.
“Iyong monitoring at pagsubaybay sa ating mga kandidato, tinutupad ba nila yung kanilang ipinangako? Maayos ba ang kanilang gawa? Yung kanilang proyekto, tama ba ang pagkagastos ng pera?” ayon pa kay Bishop Gaa, sa panayam sa church-run Radio Veritas.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng paniniwala ang obispo na hindi pa lubos na natutututo ang mga botante sa pagpili ng mga karapat-dapat na pinuno ng pamahalaan.
Aniya, bagama’t may kaunti nang pagbabago, marami pa ring botante ang ibinabase ang kanilang pagpili ng ihahal sa popularidad, kamag-anak at mga kakilala.
“Parang in-process po siya. Pero sa ngayon po sa tingin ko po ay hindi pa rin ganu’n ka-mature ang ating mga bumuboto dahil nga po ay nadadala pa rin sila sa popularity. Hindi tayo tumitingin masyado sa track-record,” aniya pa.
Paliwanag pa ng obispo, “Kasi para sa akin track-record ang pinaka-importante nating tignan sana ng mga bumuboto. Kasi sinasabi nyan kung paano na siya naglingkod.”
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng track record ay makikita kung paano ang kanyang buhay-paglilingkod bilang bahagi ng pamayanan.