Inaasahang uulanin ang ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Oktubre 31, bunsod ng low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), northeast monsoon o amihan, at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Quezon, at Aurora dahil sa trough of LPA o shear line.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Malaki naman ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, at Isabela dahil sa amihan.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang inaasahang maranasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon bunsod din ng amihan.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms, ayon sa PAGASA.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inihayag naman ni PAGASA Weather Specialist Patrick Del Mundo na huling namataan ang nasabing LPA sa loob ng PAR 470 kilometro ang layo sa silangan ng Virac, Catanduanes.

Nananatili naman umanong maliit ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA.