Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino na maging maingat sa kanilang pagpili ng kanilang mga pinuno sa barangay sa gitna ng isinasagawang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Lunes, Oktubre 30.

Sa kaniyang pahayag, hinikayat ni Romualdez ang bawat isa na lumahok at bumoto sa BSKE.

“Ang pagboto sa eleksyon ay hindi lamang isang karapatan kundi isang responsibilidad,” aniya.

Binanggit din ng House leader ang kahalagahan ng bawat botante sa pagluklok umano ng mga pinuno na dapat mangalaga sa kapayapaan at pag-unlad ng kanilang komunidad.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

“Ang bawat boto ninyo ay may kapangyarihan na magdesisyon hindi lamang para sa barangay kundi maging sa kinabukasan ng ating bansa,” pahayag ni Romualdez.

“Ang kinabukasan ay nasa inyong pagpili ng mga lider. Ang kapangyarihan na itakda ang kinabukasan ng ating bansa ay nasa inyong mga kamay,” dagdag pa niya.

Samantala, nagbigay rin ng mensahe si Romuladez para sa lahat ng mga kandidato sa BSKE.

“Sa lahat ng kandidato naman, nakikiusap tayo na siguruhing mapanatili ang kapayapaan sa inyong mga komunidad. Tumulong po tayong lahat na maging malinis, mapayapa at tapat ang gaganaping eleksyon bukas,” anang mambabatas.

“Magkaisa tayong lahat para sa mapayapa, maunlad at masaganang kinabukasan,” saad pa niya.