Sinentensyahan ng Sandiganbayan ang negosyanteng si Janet Lim Napoles nitong Biyernes, Oktubre 27, ng hindi bababa sa 108 taong pagkakakulong kaugnay umano ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagkakahalaga ng ₱35 milyon.

Sa inilabas na 60-pahinang desisyon ng Sandiganbayan Special Second Division, hinatulan si Napoles na “guilty” sa tatlong bilang ng graft at tatlong bilang ng malversation dahil sa maling paggamit ng PDAF ni dating Ilocos Sur 1st District congressman Salacnib Baterina.

Kaugnay nito, inatasan si Napoles at mga kapwa niya akusado na ibalik ang ₱35 milyon sa national treasury, na kumakatawan sa mga pondo na mali at iligal umanong na-disburse.

Bukod naman kay Napoles, hinatulan din guilty sa graft at malversation sina dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) executive Belina Concepcion, Godofredo Roque, TLRC Group Manager Maria Rosalinda Lacsamana, at Evelyn De Leon.

Janet Lim Napoles, sinentensyahan ng 64 taong pagkakakulong

Samantala, pinawalang-sala naman si Baterina sa mga kaso ng graft, malversation, at direct bribery dahil sa wala umanong ebidensyang sapat na nagpapatunay na sangkot siya sa naturang anomalya.

Gayunpaman, inatasan din si Baterina na magbalik sa national treasury ng ₱35 milyon na iligal na umanong na-disburse.

Matatandaang nauna nang sinentensyahan ng Sandiganbayan si Napoles ng 64 taong pagkakakulong kamakailan matapos naman itong mahatulang guilty kaugnay ng kinasangkutang ₱20.91 milyong PDAF umano ni dating South Cotabato 2nd District representative Arthur Pingoy Jr.