Marami ang humanga sa artist na si Bermin Villasor Rigor, 35, mula sa San Pedro, Laguna, na lumilikha ng mga sining gamit ang kaniyang paa.

Ibinahagi ni Rigor sa pamamagitan ng isang post sa Facebook group na “Guhit Pinas” ang kaniyang “One Piece Painting,” kung saan umabot na ito sa mahigit 1,300 reactions, 40 comments, at 25 shares.Sa eksklusibong panayam ng Balita, kinuwento ni Rigor na mahigit tatlong linggo ang ginugol niya upang matapos ang naturang obra.

“Sobrang hirap kasi paa gamit ko tapos po anliliit ng ibang detalye po kaya tinyaga ko po talaga siya para matapos lang,” aniya.

Saad pa ni Rigor, kahit pinanganak daw siyang walang mga kamay, hindi raw iyon naging alintana sa kaniya para maisakatuparan ang mga bagay na nais niyang gawin.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

“Tinuruan po ako ng nanay ko na gamitin ‘yung paa ko noong bata pa ako kaya, noong natuto na ako magsulat, doon ko na rin nitry mag-drawing,” pagbabahagi ni Rigor.

“Bata pala po ako hilig ko na ang pag-drawing pero itong pandemic ko lang po tinutukan ang pag-portrait using charcoal at pag-painting,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Rigor na masaya siya dahil naipapakita raw niya sa iba ang kaniyang talento sa paglikha ng sining gamit ang kaniyang mga paa.

“Talagang marunong ang Diyos at ‘di niya ako hinayaang na malugmok dahil sa kapansanan,” saad niya.

Sa ngayon, nagbebenta raw si Rigor ng kaniyang mga nalilikhang mga obra, na siyang ginagamit din niya para makatulong sa kaniyang pamilya.