Patuloy pa ring makaaapekto ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng Luzon ngayong Martes, Oktubre 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Quezon, Camarines Norte, at Camarines Sur bunsod ng shear line.

Malaki naman ang tsansang magdala ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang amihan sa Batanes at Babuyan Islands.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang posibleng maranasan sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region dahil din sa amihan.

Wala namang matinding epekto ang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar, ayon sa PAGASA.

Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.