Patuloy pa ring makararanas ng ilang mga pag-ulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ngayong Lunes, Oktubre 23, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, makararanas ng maulap na may kasamang kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya bunsod ng shear line.

Malaki naman ang tsansang magdala ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang amihan sa mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains ang posibleng maranasan sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region dahil din sa amihan.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.