Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Linggo, Oktubre 22, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Camarines Norte, Central Luzon, at CALABARZON.

Malaki naman ang tsansang magdala ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang amihan sa Kalinga, Apayao, at Cagayan Valley.

Bukod dito, inaasahang magdadala rin umano ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.