Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado, Oktubre 21, na naiuwi na sa Pilipinas ang Pilipinang household service worker na pinaslang sa Amman, Jordan noong nakaraang linggo.

Ayon sa DMW, nakarating sa bansa ang eroplanong sinasakyan ng mga labi ng Pinay na si Mary Grace Santos kaninang Sabado ng hapon.

“The DMW and OWWA assures all the necessary assistance to the family while the case of the OFW’s tragic death is now being elevated to a Jordanian court,” pahayag ng DMW.

“The DMW-OWWA Region III is assisting the family in bringing the deceased OFW's remains to their hometown in Macabebe, Pampanga,” dagdag nito.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Samantala, kasama umano sa mga opisyal na nakiisa sa naulilang pamilya sa pagtanggap ng mga labi ni Santos sina DMW Undersecretary Bernard P. Olalia at DFA Undersecretary Eduardo De Vega, kasama sina DMW Assistant Secretaries Jerome Alcantara, Felicitas Bay, at Venecio Legaspi, at OWWA Deputy Administrator Honey Quiño.

Matatandaang noong nakaraang linggo nang matagpuan umano ang bangkay ni Santos sa basement ng gusaling kaniyang pinagtatrabahuhan matapos siyang maiulat na nawawala.

Lumabas naman umano sa isinagawang autopsy na “strangulation” ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Samantala, inihayag din ng DMW na nasa kustodiya na ng pulisya sa Jordan ang isang suspek na umamin sa krimen.

Ang naturang suspek ay diumano’y binatilyong anak ng caretaker ng gusali.