Ipinahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na magkakaloob ito ng legal support para sa paghahanap ng hustisya sa Pinay na household service worker na pinaslang sa Amman, Jordan kamakailan.

Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na dokumentado na ang kaso ng pinaslang na Pinay na si Mary Grace Santos, at itinaas na umano ito para sa paglilitis sa korte.

“The DMW is committing resources to support the case of the OFW to its final resolution and judgment,” saad ng DMW.

Naiuwi umano sa Pilipinas ang mga labi ni Santos nitong Sabado ng hapon, Oktubre 21.

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

Matatandaang noong nakaraang linggo nang humingi ng tulong ang mga kamag-anak ni Santos sa DMW para mahanap ito.

Nagpasa naman ng concern ang DMW sa Migrant Workers Office sa Amman, Jordan (MWO-Amman) noong Oktubre 12.

Matapos isagawa ang paghahanap, natagpuan umano ang bangkay ni Santos sa basement ng gusaling kaniyang pinagtatrabahuhan.

Lumabas naman umano sa isinagawang autopsy na “strangulation” ang naging sanhi ng pagkamatay ni Santos.

Samantala, inihayag din ng DMW na nasa kustodiya na ng pulisya sa Jordan ang isang suspek na umamin sa krimen.

Ang naturang suspek ay diumano'y binatilyong anak ng caretaker ng gusali.