Naglabas ng pahayag si Vice President at Education Secretary Sara Duterte hinggil sa mga kritiko ng confidential at intelligence funds (CIFs) ng kaniyang mga tanggapan na Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Sa isang video message nitong Miyerkules, Oktubre 18, unang nagpasalamat si Duterte sa kaniyang mga gumawa umano ng “green ribbons” bilang pagpapahayag ng suporta sa kaniya.

“Ang inyong matatag na paniniwala sa kahalagahan ng aking trabaho at sa positibong pagbabago na aking maiaambag sa pag-unlad ng ating bansa ay siyang nagbibigay lakas at inspirasyon sa akin upang magpatuloy sa pagserbisyo sa ating bayan,” pahayag ni Duterte.

“Naiintindihan ko ang inyong pagkadismaya at galit hinggil sa mga isyu tulad ng pakikiaalam sa budget at usapin ng confidential funds,” dagdag pa niya.

VP Sara: ‘Ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan’

Samantala, iginiit ng bise presidente na maliit lamang umano ang “mga hamon sa pamumulitika” kumpara sa mas malaking pagsubok sa ekonomiya ng bansa dahil sa mga sigalot sa pagitan ng Israela at Palestinian militant group na Hamas, maging ng Ukraine at Russia.

“Hinihikayat ko ang bawat isa sa inyo na tutukan ang paghahanda sa darating na panahon ng taghirap lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin,” ani Duterte.

“May oras para sa lahat at hindi ito ang panahon ng paninira at pamumulitika lalo na malayo pa ang susunod na halalan para sa pagka-Pangulo. Higit na mahalaga ang ating pagkakaisa, pagtutulungan, at pagiging handa para tiyaking ang ating mga pamilya ay ligtas at matatag sa darating na mga buwan.”

Sinabi rin ni Duterte sa kaniyang mga tagasuporta na kilalanin umano nila kung sino ang “tunay nilang mga kaibigan.”

“Huwag kayong sumama sa anumang uri ng pang-aapi. Sa halip, sa mga oras ng kagipitan, magmasid at magkilala kung sino ang mga tunay na mga kaibigan na nasa inyong tabi,” pahayag ni Duterte.

“Sa bawat yugto ng ating buhay, mahalaga na piliin natin ang kabutihan, pagkakaunawaan, at pagkakaisa. Sa bawat panahon, maging matatag tayo sa pagharap sa hamon at maging handa sa pagtanggap ng pagbabago,” saad pa niya.

Hindi ito ang unang pahayag ni Duterte tungkol sa confidential funds. Matatandaang kamakailan lamang, sinabi ng bise presidente na ang kumokontra umano sa confidential funds ay “kumokontra sa kapayapaan.”

Ito ay matapos ang mapabalitang nagdesisyon ng Kamara na aalisin na ang pinagsamang ₱650 milyong confidential funds ng OVP at DepEd para sa 2024, upang ilipat umano sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

https://balita.net.ph/2023/09/29/%e2%82%b1650-m-confidential-funds-ng-ovp-deped-ililipat-sa-security-agencies-house-leader/

Ang OVP at DepEd ni Duterte dalawa sa limang mga ahensya ng gobyerno na tinanggalan ng Kamara ng CIFs sa 2024 upang ilipat umano sa mga ahensyang nakatututok sa WPS at “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/

Matatandaan namang dinipensahan kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang confidential funds ng kaniyang anak, kung saan pinatutsadahan din niya ang Kamara, kabilang na si House Speaker Martin Romualdez, dahil sa pag-atake umano ng mga ito kay VP Sara.

https://balita.net.ph/2023/10/13/ex-pres-rodrigo-duterte-magde-demand-ng-audit-pag-tumakbo-bilang-pangulo-si-romualdez/