Humaplos sa damdamin ng netizens ang post ni Zoe Phil Cagas, 29, mula sa Cagayan de Oro tampok ang isang 77-anyos na artist na nagpapa-order ng kaniyang charcoal portraits sa gilid ng overpass upang may panggastos umano sa pang-araw-araw ang kaniyang pamilya.
Makikita sa Facebook post ni Cagas ang larawan ni Tatay Alfredo na nakaupo sa tabi ng daan habang naghihintay na may mag-order sa kaniya ng artworks.
“Basin naay nangita magpa drawing (Baka may gustong magpa-drawing),” ani Cagas sa nasabing post na umabot na sa mahigit 10,000 reactions, 315 comments, at 229 shares.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Cagas na nang kausapin niya si Tatay Alfredo ay napag-alaman niyang dating pastor ito at ang pagpi-paint umano ng charcoal ang tanging paraan niya ngayon para masuportahan ang kaniyang pamilya.
“Na-picturan ko lang siya for my personal use. Pero naisip ko na i-post para matulungan din po si tatay. After ng pagpost ko, andaming nag-inquire so hinanap ko siya kinabukasan,” kuwento ni Cagas sa Balita.
“Doon ko nalaman na wala na po siyang phone. Sometimes 3-5 days walang nagpapa-draw. So laking tulong ‘yung pagka-viral ng post,” dagdag pa niya.
Dahil sa mga mabubuting puso na agad na nagpaabot ng tulong, ibinahagi ni Cagas na nakalikom sila ng halagang ibinigay kay Tatay Alfredo.
Mayroon din umanong concerned netizen na nagbigay mismo ng smartphone upang mabilis daw nitong matanggap ang mga mensahe ng mago-order o magpapagawa ng kaniyang artworks.
Kaugnay nito, inihayag ni Cagas na labis daw ang pasasalamat ni Tatay Alfredo sa lahat ng tumulong maging sa mga naka-appreciate sa kaniyang paggawa ng charcoal portraits na malaking bahagi na ng kaniyang buhay.