Umaasa si Manila Mayor Honey Lacuna na ibibigay ng bagong hepe ng Manila Police District (MPD) na si PCOL Arnold Thomas Ibay, ang kanyang 101% na pagseserbisyo upang matiyak ang kaligtasan, kapayapaan, at kaayusan sa lungsod, sa lahat ng pagkakataon.
Nagsilbi bilang guest of honor at speaker si Lacuna sa idinaos na turn-over of command ceremony sa MPD headquarters sa United Nations Avenue, Ermita, Manila nitong Miyerkules.
Nagpasalamat din naman ang alkalde kay outgoing MPD Director PBGen. Andre Dizon matapos ang may 14 buwang panunungkulan sa lungsod.
“He came almost at the same time of my assumption into office as the city’s local chief executive last year. He had shown his dedication and compassion to his task,” ayon kay Lacuna.
Aniya pa, “Gustuhin man namin na manatili ka dito sa Maynila, ginagalang natin ang desisyon ng liderato ng Philippine National Police. Dalangin lang sana namin na ikaw ay gabayan ng Panginoon sa bagong yugto ng iyong buhay pulis. We say thank you very much. We wish you all the best on your new assignment.”
Samantala, mainit ding tinanggap ng alkalde si Ibay, na tinawag pa niyang isang true-blue Manilan, na batid na ang mga “ins and outs” sa lungsod.
Sinabi ni Lacuna, “Buong galak din nating tinatanggap ang ‘bagong- luma.’ Bago, sapagkat kabibigay pa lamang sa kanya ng designation bilang Acting District Director ng MPD at luma sapagkat ilang pabalik-balik na din si Colonel Arnold Thomas Ibay dito sa Maynila.”
“We are welcoming you back to Manila, the city you have loved to serve for many years, as a Police Captain, Police Major, Police Colonel, and soon as Police General. You were designated as one of the PCP commanders, as a Station Commander, as MPD Chief Directorial Staff, and you were given many other assignments such as Deputy Regional Director, Provincial Director, CIDG NCR Chief, and as Senior Executive Assistant to the Chief PNP, among others,” aniya pa.
“At ngayon ngang nagbabalik kang muli dito sa kapitolyo ng ating bansa, naniniwala akong kabisado mo na ang kalagayan ng ating lungsod. Bitbit mo pa ang iyong mga karanasan sa lahat ng mga posisyon na ipinagkatiwala sa iyo, umaasa akong ipapadama mo rin sa aming mga Manilenyo ang iyong buong pagmamalasakit, buong sipag at sigasig, at buong galing na pamunuan ang may halos apat na libong pulis Maynila. Sa mga susunod nating pag-uusap, pagpupulong, pagsasama sa iba’t ibang mga proyekto at programa ng pamahalaang lungsod ay umaasa akong magkakatulungan tayo at ibibigay mo ang iyong 101% upang mapanatili natin ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng bawat isang mamamayan ng Maynila," dagdag pa ni Lacuna.
Tiniyak din naman ng lady mayor kay Ibay na ang pamahalaang lungsod ay mananatiling nakasuporta kay Ibay at sa buong MPD.
Bilang pagtatapos, binati rin ni Lacuna sina Dizon at Ibay ng ‘good luck’ sa kanilang mga bagong assignment, at pinaalalahanan ang mga ito, na ang kanilang police uniform ay hindi lang basta uniporme, kundi simbolo ng tiwala at kapangyarihan.
Hinikayat din niya ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang paglilingkod ng tapat at husay sa bansa at mga mamamayan.