Nagbigay ng ilang mga paalala si Vice President Sara Duterte sa mga barangay election candidate para masiguro umanong mangingibabaw ang demokrasya sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Oktubre 17, ibinahagi ni Duterte ang mga bagay na inihayag daw niya sa mga kandidato sa barangay election nang bumisita siya sa Davao noong nakaraang linggo.

Ayon sa bise presidente, mayroong tatlong bagay na kailangang gawin upang maging “honest,” “orderly,” at “peaceful” umano ang barangay elections sa Oktubre 30, 2023.

“Una, huwag manira ng kalaban ninyo na kandidato dahil tayo man ay hindi perpekto,” ani Duterte.”

PBBM, idineklarang special non-working day ang Oct 30 para sa BSKE

“Pangalawa, huwag gumamit ng dahas sa pangangampanya, sa election at bilangan ng boto dahil ito ay lihis sa ating pangitain na seguridad at kaunlaran.”

“Pang huli, huwag mandaya dahil mawawala ang respeto ng mga tao,” saad pa niya.

Samantala, inihayag din ni Duterte na napakahalaga umano ng mga opisyal ng bawat barangay dahil sila raw ang nagsisilbing “frontliners” na nagbibigay ng solusyon sa mga problema ng kanilang mga nasasakupan.

“Bumoto tayo sa October 30 at pumili ng mga lider na matatag at masipag sa trabaho,” saad ni Duterte.

“Mga kababayan, patuloy tayo maging MATATAG sa pagtaguyod ng isang Bansang Makabata at mga Batang Makabansa,” dagdag pa niya.

Matatandaang idineklara kamakailan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na special non-working day ang Oktubre 30 (Lunes) para sa pagsasagawa ng BSKE.